Wednesday, March 14, 2007

Unang Kabanata - Simula ng Buhay

page 6

ang mabuting anak ang siyang tungkod sa pagtanda ng magulang....


Sa pagbabasa ko ng mga artikulo sa diyaryo at sa internet tungkol sa mga progresibong bansa sa mundo, may isang bagay akong madalas na napapansin (hindi ito tsismis ha), karamihan sa kanila ay mayroong tinatawag na elderly care hospice center. Hindi nga ba't ito ang dahilan kung kaya't nagkalat ang mga caregivers na pinoy na nagpupunta sa iba't ibang bansa. Pinakaprominente sa mga bansang ito ang UK at ang US. Nagtataka lang ako, bakit kailangang iwanan ang mga matatanda sa mga ganitong institusyon? Nasaan na ang mga anak nila?


" Inay, bakit kaya ang daming matatandang iniiwan sa Home for the Aged dito sa bansa natin?"
" Aba, malay ko...."
" Di mo alam Inay? Dapat alam mo iyan eh. Teacher ka pa naman...."
" Aba't diyaskeng bata ito ah..."
" Tama naman ang anak mo eh....dapat alam mo ang sagot kasi teacher ka..." hirit ng ama
" Nagkampi na naman kayong mag-ama....alam niyo, ang mga ganyang bagay ay hindi kailanman naituturo sa loob ng paaralan....."
" Eh Inay, di ba ang lahat ay natutunan sa eskuwelahan...."
" Ang pagmamahal sa magulang at pagkalinga sa kanilang pagtanda ay hindi itinuturo sa paaralan...."
" Eh kung hindi sa eskuwela yun natututunan, saan?"
" Sa loob ng tahanan..."
" Huh? Parang ang gulo po ata..."
" Kung ang magulang ay di nagkulang sa kanilang pagpapalaki sa kanilang mga anak....kung di sila nagkulang sa pagpaparamdam ng pagmamahal sa lahat ng mga anak nila....kung sa bawat panahong kailangan sila ng mga anak nila ay naroroon sila, sa palagay mo kaya pababayaan sila ng kanilang mga anak sa kanilang pagtanda?"
" Hmmmm...."
" Alam mo Jeff, anak, ang buhay ay parang gulong....paikot-ikot lang....."
" Ayan na naman iyang gulong ng palad na iyan.....haaayyy....mauna na nga ako sa inyong mag-ina at baka tanghaliin na naman ako sa pagbiyahe....." paalam ng ama sa mga kausap.


Tama, ang buhay ng tao ay parang gulong lang na paikot-ikot (bagamat di naman tayo nahihilo sa kakaikot nito). Kung ano ang ipinakita at ibinigay mo sa iyong kapwa, yun din ang aanihin mo sa iyong pagtanda.

Isang halimbawa, yung kapitbahay namin. Nung bata pa ako (so malamang bata pa rin mga anak niya noon), nakikita ko kung gaano siya katamad at kawalang-kuwentang asawa. Ayaw magtrabaho. Nambubugbog pa ng anak. Ngayon, matapos ang maraming taon (fast forward natin), nakikita siyang pakalat-kalat sa kalsada. Nanghihingi madalas ng sigarilyo sa mga kapitbahay at mga batang istambay. Madalas, di kumakain. Pag nagkakasakit, nakikihingi ng gamot sa mga kakilala. Nakakaawa. Nakakadurog ng puso.

Nasaan na kaya ang mga anak niya? Yung isa, mayamang negosyante sa QC. Nakapag-asawa ng mayaman kaya yumaman din (ang di makaintindi, slow). Yung isa namang anak, engineer sa Meralco. Sa may Makati na nakatira. Yung asawa niya, kasama nung anak na nasa QC. Yung bunso namang anak, teacher sa Malabon. Magaganda ang mga tinapos. May magaganda at maaayos na buhay ang mga anak ng matandang iyon. Pero bakit siya pinabayaang naglulumaboy sa kalsada at walang kasama sa buhay? Para sa mga katulad ko na nasundan ang buhay nila(di ako tsismoso, curious lang, ok?), di na namin kailangang magtanong.

Pero hindi ba't obligasyon ng mga anak na kalingain ang mga magulang sa kanilang pagtanda kahit na di ito naging mabuting mga magulang?

" Kailanman, di dapat gawing obligasyon ng mga anak ang pagkalinga sa kanilang mga magulang." iyan ang sabi ng nanay ko. " Ang mga magulang ay may tungkuling palakihin ng maayos ang kanilang mga anak dahil inanak nila ang mga yun pero mali na obligahin ng sinumang magulang na sa kanilang pagtanda ay ang mga anak naman nila ang bubuhay sa kanila..."
" Ang labo naman nun Inay....eh sino mag-aalaga sa mga magulang pagtanda nila?"
" Kung napalaki nila ng maayos ang kanilang mga anak, di na nila dapat problemahin yun...."
" Huh? Bakit?"
" Kasi, kung lalaking mabait at mapagmahal ang mga anak, di nila pababayaan kailanman ang mga magulang nila na nagmahal sa kanila..."

Kunsabagay, ang lola kong namayapa, di niya inobliga mga tiyahin ko na alagaan siya hanggang sa kanyang pagyao pero yung mga tita ko saka tito ko(kasama na rin ang nanay ko), di siya pinabayaan laluna nung na-stroke siya. Yung isang tita ko nga, nag-asawa lang nung namayapa na ang lola ko. Ganun nila kamahal ang lola.

"Children, obey your parents in all things: for this is well-pleasing unto the Lord" Collosians 3:20