Wednesday, February 21, 2007

Unang Kabanata - Simula ng Buhay

page 5

kahit dikdikin ng pinong-pino ang mga buto natin, kulang pa rin itong pambayad sa mga hirap at pasakit ng ating mga magulang sa pagpapalaki sa atin.....

Sabi ng namayapa kong Lola, nung una daw niya akong makita pagkapanganak, tuwang tuwa daw siya(ikaw ba naman makakita ng guwapong guwapong bata...ehem). Kasi para daw akong anak ng amerikano sa kulay na mestisuhin, sa laki(ng katawan ko, mamatay na mag-isip ng bastos!) at sa haba ng mga daliri ko sa kamay(mamamatay ng pangalawang beses yung mag-iisip na naman ng bastos!). Tapos ambait-bait ko daw. Di raw ako iyakin na tulad nung ibang mga bata sa nursery sa Fabella matenity hospital(oo, sa Fabella ako ipinanganak kasi mahirap lang kami noon). Mukha raw akong kerubin na natutulog(bagamat ayoko munang maging anghel ngayon kasi bata pa ako).

Ang isang sanggol na bagong panganak, kahit anong hitsura, ay nagbibigay ng ibayong ligaya sa mga nagmamahal dito. Kesehodang mukhang daga na nakabalot sa lampin o kaya namaĆ½ hitsurang aso na dinamitan, para sa mga mata ng ama't ina saka ng lolo't lola, napakaganda o napakaguwapo ng sanggol(maliban sa nakakatandang kapatid na nagmamaktol sa isang sulok kasi di na siya ang bunso).

"Bakit nga kaya ganun Inay? Bakit kahit napakapangit ng sanggol eh tuwang tuwa ang mga magulang?"
"Siyempre naman. Kasi, bawat anak ay bunga ng paghihirap at pagsisikap ng mga magulang laluna ng ina na siyam na buwang dinala ang bata sa kanyang tiyan....."
"Puro ina ata naririnig ko ah?"pakli ng ama ni Jeff.
"Eh totoo naman ah! Siyam na buwan naming dala dala ang mga batang iyan sa tiyan bago manganak..."
"Asus! Eh nung buntis ka ba sino ang naghihirap, aber?" apela ulit ng ama.
"Bakit Itay? Gaano ka ba nahirapan nung buntis si Nanay?"
"Aba, nung buntis iyang nanay mo, parang ako rin ang nanganganay...."
"Ayan na naman po siya...." tonong pambubuska ng ina ni Jeff.
" Totoo naman eh....isipin mo na lang anak, ala-una ng madaling araw eh pinaghahanap ako ng bagong lutong lechon? Eh sa Obando pa tayo nakatira nun...saan kaya ako hahanap nun?"
"Anong ginawa mo Itay?"
"Wala...eh wala akong alam na bilihan ng lechon eh....."
"Ayun! Eh di lumabas din sa bibig mo na wala kang ginawa..."
"Nun lang ah! Eh nung nagpunta tayo sa Baguio tapos pilit kang nagpapahanap sa akin ng blueberry....langya, kung pwede ko lang ibabad sa dyobus na asul yung strawberry para makain mo, ginawa ko na...."

Ganyan ang hirap ng mga magulang sa paghahanda para sa pagdating ng kanilang anak sa mundong ibabaw. Ayon dun sa nabasa kong article sa internet(na ngayon ko rin lang nakita, ang galing talaga netong Google), During the first trimester, the mother can expect a host of pregnancy symptoms including breast changes, tiredness, nausea and vomiting, frequent urination and many more. Umpisa pa lang iyan ng pagbubuntis ng isang ina. Di pa kasama diyan ang pamimigat ng katawan dulot ng lumalaking bata sa tiyan. Isipin mo na lang, ang average na timbang isang sanggol na bagong panganak ay pitong libra. Samakatuwid, sa loob ng huling tatlong buwan ng pagbubuntis ng ina, may buhat siyang pitong libra sa loob ng kanyang tiyan. Siyempre mabigat yun.

Para naman sa isang ama, ang pagbubuntis ng asawa ay ibayo ring sakripisyo. Taliwas sa lumang paniniwala na ina lang ang nagdurusa, ang ama ay may sarili ding sakripisyo(iyan ang sabi ng tatay ko). Mula sa pag-iisip sa kalagayan ng kanyang asawa sa panahon ng paglilihi at aktuwal na paglaki ng tiyan hanggang sa pag-iisip sa magiging resulta ng aktuwal na panganganak, pinaghahandaan iyan ng ama. Maliban pa dito ang pagsisigurong mananatiling maayos ang tahanan sa mga panahong hindi na kayang magkikikilos ng husto ng kanyang kabiyak para sa mga gawaing bahay(kasama na rito ang paglalaba, pagluluto, paglilinis at iba pang tinatakasang gawain ng asawang buntis...joke joke joke).



"A wise son maketh a glad father: but a foolish son is the heaviness of his mother." Proverbs 10:1