Wednesday, March 14, 2007

Unang Kabanata - Simula ng Buhay

page 6

ang mabuting anak ang siyang tungkod sa pagtanda ng magulang....


Sa pagbabasa ko ng mga artikulo sa diyaryo at sa internet tungkol sa mga progresibong bansa sa mundo, may isang bagay akong madalas na napapansin (hindi ito tsismis ha), karamihan sa kanila ay mayroong tinatawag na elderly care hospice center. Hindi nga ba't ito ang dahilan kung kaya't nagkalat ang mga caregivers na pinoy na nagpupunta sa iba't ibang bansa. Pinakaprominente sa mga bansang ito ang UK at ang US. Nagtataka lang ako, bakit kailangang iwanan ang mga matatanda sa mga ganitong institusyon? Nasaan na ang mga anak nila?


" Inay, bakit kaya ang daming matatandang iniiwan sa Home for the Aged dito sa bansa natin?"
" Aba, malay ko...."
" Di mo alam Inay? Dapat alam mo iyan eh. Teacher ka pa naman...."
" Aba't diyaskeng bata ito ah..."
" Tama naman ang anak mo eh....dapat alam mo ang sagot kasi teacher ka..." hirit ng ama
" Nagkampi na naman kayong mag-ama....alam niyo, ang mga ganyang bagay ay hindi kailanman naituturo sa loob ng paaralan....."
" Eh Inay, di ba ang lahat ay natutunan sa eskuwelahan...."
" Ang pagmamahal sa magulang at pagkalinga sa kanilang pagtanda ay hindi itinuturo sa paaralan...."
" Eh kung hindi sa eskuwela yun natututunan, saan?"
" Sa loob ng tahanan..."
" Huh? Parang ang gulo po ata..."
" Kung ang magulang ay di nagkulang sa kanilang pagpapalaki sa kanilang mga anak....kung di sila nagkulang sa pagpaparamdam ng pagmamahal sa lahat ng mga anak nila....kung sa bawat panahong kailangan sila ng mga anak nila ay naroroon sila, sa palagay mo kaya pababayaan sila ng kanilang mga anak sa kanilang pagtanda?"
" Hmmmm...."
" Alam mo Jeff, anak, ang buhay ay parang gulong....paikot-ikot lang....."
" Ayan na naman iyang gulong ng palad na iyan.....haaayyy....mauna na nga ako sa inyong mag-ina at baka tanghaliin na naman ako sa pagbiyahe....." paalam ng ama sa mga kausap.


Tama, ang buhay ng tao ay parang gulong lang na paikot-ikot (bagamat di naman tayo nahihilo sa kakaikot nito). Kung ano ang ipinakita at ibinigay mo sa iyong kapwa, yun din ang aanihin mo sa iyong pagtanda.

Isang halimbawa, yung kapitbahay namin. Nung bata pa ako (so malamang bata pa rin mga anak niya noon), nakikita ko kung gaano siya katamad at kawalang-kuwentang asawa. Ayaw magtrabaho. Nambubugbog pa ng anak. Ngayon, matapos ang maraming taon (fast forward natin), nakikita siyang pakalat-kalat sa kalsada. Nanghihingi madalas ng sigarilyo sa mga kapitbahay at mga batang istambay. Madalas, di kumakain. Pag nagkakasakit, nakikihingi ng gamot sa mga kakilala. Nakakaawa. Nakakadurog ng puso.

Nasaan na kaya ang mga anak niya? Yung isa, mayamang negosyante sa QC. Nakapag-asawa ng mayaman kaya yumaman din (ang di makaintindi, slow). Yung isa namang anak, engineer sa Meralco. Sa may Makati na nakatira. Yung asawa niya, kasama nung anak na nasa QC. Yung bunso namang anak, teacher sa Malabon. Magaganda ang mga tinapos. May magaganda at maaayos na buhay ang mga anak ng matandang iyon. Pero bakit siya pinabayaang naglulumaboy sa kalsada at walang kasama sa buhay? Para sa mga katulad ko na nasundan ang buhay nila(di ako tsismoso, curious lang, ok?), di na namin kailangang magtanong.

Pero hindi ba't obligasyon ng mga anak na kalingain ang mga magulang sa kanilang pagtanda kahit na di ito naging mabuting mga magulang?

" Kailanman, di dapat gawing obligasyon ng mga anak ang pagkalinga sa kanilang mga magulang." iyan ang sabi ng nanay ko. " Ang mga magulang ay may tungkuling palakihin ng maayos ang kanilang mga anak dahil inanak nila ang mga yun pero mali na obligahin ng sinumang magulang na sa kanilang pagtanda ay ang mga anak naman nila ang bubuhay sa kanila..."
" Ang labo naman nun Inay....eh sino mag-aalaga sa mga magulang pagtanda nila?"
" Kung napalaki nila ng maayos ang kanilang mga anak, di na nila dapat problemahin yun...."
" Huh? Bakit?"
" Kasi, kung lalaking mabait at mapagmahal ang mga anak, di nila pababayaan kailanman ang mga magulang nila na nagmahal sa kanila..."

Kunsabagay, ang lola kong namayapa, di niya inobliga mga tiyahin ko na alagaan siya hanggang sa kanyang pagyao pero yung mga tita ko saka tito ko(kasama na rin ang nanay ko), di siya pinabayaan laluna nung na-stroke siya. Yung isang tita ko nga, nag-asawa lang nung namayapa na ang lola ko. Ganun nila kamahal ang lola.

"Children, obey your parents in all things: for this is well-pleasing unto the Lord" Collosians 3:20

Wednesday, February 21, 2007

Unang Kabanata - Simula ng Buhay

page 5

kahit dikdikin ng pinong-pino ang mga buto natin, kulang pa rin itong pambayad sa mga hirap at pasakit ng ating mga magulang sa pagpapalaki sa atin.....

Sabi ng namayapa kong Lola, nung una daw niya akong makita pagkapanganak, tuwang tuwa daw siya(ikaw ba naman makakita ng guwapong guwapong bata...ehem). Kasi para daw akong anak ng amerikano sa kulay na mestisuhin, sa laki(ng katawan ko, mamatay na mag-isip ng bastos!) at sa haba ng mga daliri ko sa kamay(mamamatay ng pangalawang beses yung mag-iisip na naman ng bastos!). Tapos ambait-bait ko daw. Di raw ako iyakin na tulad nung ibang mga bata sa nursery sa Fabella matenity hospital(oo, sa Fabella ako ipinanganak kasi mahirap lang kami noon). Mukha raw akong kerubin na natutulog(bagamat ayoko munang maging anghel ngayon kasi bata pa ako).

Ang isang sanggol na bagong panganak, kahit anong hitsura, ay nagbibigay ng ibayong ligaya sa mga nagmamahal dito. Kesehodang mukhang daga na nakabalot sa lampin o kaya namaý hitsurang aso na dinamitan, para sa mga mata ng ama't ina saka ng lolo't lola, napakaganda o napakaguwapo ng sanggol(maliban sa nakakatandang kapatid na nagmamaktol sa isang sulok kasi di na siya ang bunso).

"Bakit nga kaya ganun Inay? Bakit kahit napakapangit ng sanggol eh tuwang tuwa ang mga magulang?"
"Siyempre naman. Kasi, bawat anak ay bunga ng paghihirap at pagsisikap ng mga magulang laluna ng ina na siyam na buwang dinala ang bata sa kanyang tiyan....."
"Puro ina ata naririnig ko ah?"pakli ng ama ni Jeff.
"Eh totoo naman ah! Siyam na buwan naming dala dala ang mga batang iyan sa tiyan bago manganak..."
"Asus! Eh nung buntis ka ba sino ang naghihirap, aber?" apela ulit ng ama.
"Bakit Itay? Gaano ka ba nahirapan nung buntis si Nanay?"
"Aba, nung buntis iyang nanay mo, parang ako rin ang nanganganay...."
"Ayan na naman po siya...." tonong pambubuska ng ina ni Jeff.
" Totoo naman eh....isipin mo na lang anak, ala-una ng madaling araw eh pinaghahanap ako ng bagong lutong lechon? Eh sa Obando pa tayo nakatira nun...saan kaya ako hahanap nun?"
"Anong ginawa mo Itay?"
"Wala...eh wala akong alam na bilihan ng lechon eh....."
"Ayun! Eh di lumabas din sa bibig mo na wala kang ginawa..."
"Nun lang ah! Eh nung nagpunta tayo sa Baguio tapos pilit kang nagpapahanap sa akin ng blueberry....langya, kung pwede ko lang ibabad sa dyobus na asul yung strawberry para makain mo, ginawa ko na...."

Ganyan ang hirap ng mga magulang sa paghahanda para sa pagdating ng kanilang anak sa mundong ibabaw. Ayon dun sa nabasa kong article sa internet(na ngayon ko rin lang nakita, ang galing talaga netong Google), During the first trimester, the mother can expect a host of pregnancy symptoms including breast changes, tiredness, nausea and vomiting, frequent urination and many more. Umpisa pa lang iyan ng pagbubuntis ng isang ina. Di pa kasama diyan ang pamimigat ng katawan dulot ng lumalaking bata sa tiyan. Isipin mo na lang, ang average na timbang isang sanggol na bagong panganak ay pitong libra. Samakatuwid, sa loob ng huling tatlong buwan ng pagbubuntis ng ina, may buhat siyang pitong libra sa loob ng kanyang tiyan. Siyempre mabigat yun.

Para naman sa isang ama, ang pagbubuntis ng asawa ay ibayo ring sakripisyo. Taliwas sa lumang paniniwala na ina lang ang nagdurusa, ang ama ay may sarili ding sakripisyo(iyan ang sabi ng tatay ko). Mula sa pag-iisip sa kalagayan ng kanyang asawa sa panahon ng paglilihi at aktuwal na paglaki ng tiyan hanggang sa pag-iisip sa magiging resulta ng aktuwal na panganganak, pinaghahandaan iyan ng ama. Maliban pa dito ang pagsisigurong mananatiling maayos ang tahanan sa mga panahong hindi na kayang magkikikilos ng husto ng kanyang kabiyak para sa mga gawaing bahay(kasama na rito ang paglalaba, pagluluto, paglilinis at iba pang tinatakasang gawain ng asawang buntis...joke joke joke).



"A wise son maketh a glad father: but a foolish son is the heaviness of his mother." Proverbs 10:1

Monday, January 29, 2007

Unang Kabanata - Simula ng Buhay

page 4

Bakit nga kaya ganun ang hitsura natin nung bagong panganak tayo? Yung tipong paglabas mo pa lang sa delivery room, parang napakahirap isipin na lalaki tayong guwapong guwapo(na katulad ko ngayong malaki na ako) o kaya namaý magandang maganda(na katulad ng asawa ko na ipagluluto ako ng masarap na hapunan mamaya pagkabasa niya nito).

Sabi nga dun sa isang website na nabasa ko(actually, kababasa ko pa lang kasi ngayon ko lang naisipang i-research ang topic na ito), ang isang bagong panganak daw na bata ay bluish, covered with blood and cream-cheesy glop. Sakto pagkakalarawan, ganyan ang hitsura nating lahat paglabas natin sa mga nanay natin. Tapos, pag dinala ka na sa nursery room para pailawan sa incubator na parang manok, mukha naman tayong nanggaling sa pakikipag-away kasi lukot na lukot ang mga mukha natin. Manataking mo nga namang namamaluktot tayo sa loob ng siyam na buwan sa tiyan ng mga nanay natin sabay biglang bigla, pagkakasyahin ka sa napakaliit na butas pag oras mo ng ilabas. Nakakakunsumi talaga yun di ba?

" Tama ka Jeff, lahat ng bagong panganak na bata, iisa ang ekspresyon ng mukha....nakakunot ang noo...." tatawa-tawang paliwanang ng ina.
" Kunsabagay, wala pa akong nakitang ipinanganak na bata na kamukha kaagad ni Aga Muhlach...."
" Pero ok lang yun kasi para sa mapagmahal na magulang, ang anak niya pa rin ang pinakaguwapong anak o kayaý ang pinakamagandang anak sa mundo ng mga oras na yun...."
" Ang sweet naman ng nanay ko...."
" Sweet ka diyan??!!! Nung bagong panganak ka nun pero ngayon, gwapo ka lang ng kaunti kay Panchito!!!"
" Panchito, sows! Kung hindi pa ako naging kamukha ni Richard Gere, laluna ka na diyan...."

Kunsabagay, guwapo talaga ako. Walang panama sa akin si Alec Baldwin o kayaý si Robert Redford(naririnig ko na naman ang misis kong kumakanta ng "Wish ko lang...."). Sabi nila, yung mata, ilong at bibig ko daw namana ko sa Tatay. Tapos yung pisngi ko at noo, nakuha ko sa Nanay. Kaya di nakapagtatakang guwapo talaga ako(payag na kayo....kuwentuhan lang naman).

Friday, January 26, 2007

Unang Kabanata - Simula ng Buhay

page 3

Ang anak, kayang tiisin ang magulang ngunit ang magulang, kailanmaý di matitiis ang isang anak

Habang nanonood ako ng pelikula sa telebisyon ngayong gabi, natiyempuhan ko ang pelikulang Hearts and Souls sa HBO Family channel(kung saan isang buwan ata na puro reply lang ang ipinapalabas). Ang pelikulang ito ay tungkol sa apat na kaluluwang pinayagan ni Papa Jesus na bumalik sa lupa upang kumpletuhin ang mga bagay na hindi nila nagawa bago sila tinawag sa itaas(kung saan dun ko rin pinapangarap na makarating...di naman masamang mangarap di ba?). Isa sa mga kaluluwang ito ay si Penny na ginampanan ng batikang aktres na si Alfre Woodard.

Si Penny ay isang ina na namatay sa isang trolley accident kasama ang tatlong iba pa. Ang problema, maliliit pa ang lahat ng anak niya at hindi niya alam ang naging kalagayan ng mga ito sa kanyang pagpanaw. Ng matagpuan niya si Reilly na ginampanan ni Robert Downey Jr., nakakita siya ng pagkakataon na hanapin at alamin ang naging kalagayan ng kanyang mga anak makalipas ang tatlumpung taon.

Ipinakita sa pelikulang ito ang naging hinagpis ng isang ina na bagamat nasa kabilang buhay na, ay nananatili pa ring nag-aalala sa naging kapalaran ng kanyang mga anak. Nakakabagbag ng damdamin ang eksena kung saan nanlumo si Penny ng malaman niya na ipinaampon ang kanyang mga anak sa magkakaibang pamilya at hindi niya alam kung paano tuntunin ang mga ito sapagkat hindi pinapayagan ng batas sa kanilang bansa(mga kano sila so malamang Amerika ang bansa nila...tama kaya ako?). Ngunit dahil mabait ang Diyos(at saka comedy ang pelikula, hindi drama), nakatagpo ni Reilly ang isa sa mga anak ni Penny, isang pulis na nagngangalang Billy.

Matapos masabi ni Penny kay Billy ang nais niyang sabihin(siyempre, sumanib si Penny kay Reilly para masabi niya ang gusto niyang sabihin kay Billy. Dahil kung hindi, baka nakalimutan ni Billy na pulis siya at magtatakbo ito habang sinasabunutan ang sarili sa takot), saka pa lamang tumawid si Penny ng tuluyan sa kabilang mundo. Nagulat ka dahil kabisado ko noh?

Ganyan ang magulang, laging nag-aalala sa kalagayan at kapakanan ng kanilang mga anak. Kahit gaano kahirap ang buhay, lagi nilang iniisip ang inaakala nilang tama at makakabuti sa kanilang mga supling(bagamat iba iba ang pananaw natin ng makakabuti para sa isa't isa...hehehe).

"Inay, ano ba ang hitsura ko nung bagong panganak ako?"
"Hay naku Jeff...wag mo ng alamin....."
"Sige na Inay, ano nga hitsura ko nung bagong panganak ako? Pogi ba ako kahit nung bagong panganak ako? Ha Inay?"
"Alam mo, di naman kita nakita agad nung kapapanganak mo pa lang....kasi groge pa ako sa anestesia nung inoperahan ako eh...."
"Sayang....sino nakakita sa akin nung kapapanganak ko pa lang?"
"Subukan mong tanungin ang Tatay mo mamaya...alam ko di siya lasing nung ipinanganak ka eh....."
"Nanay talaga...wala ng alam asarin kundi ang Tatay...."

Nakakatuwa sigurong malaman kung ano hitsura natin sa unang paglabas natin sa mundo di ba? Kung mukha bang tao tayo paglabas pa lang natin sa sinapupunan ng ating mga ina. Kaso, para sa isang pamilyang di nakakariwasa sa buhay, walang panahon para iukol sa pagkuha ng larawan ng isang bagong panganak na sanggol...

"Alam mo anak, nung kapapanganak mo pa lang...nung unang beses na nakita kita sa nursery habang hawak ka ng nurse, di ako makapaniwala....."
"Talaga itay??!! Bakit di ka makapaniwala? Sobra ba akong guwapo kaya di ka makapaniwalang anak mo ako?"
"Anong guwapo pinagsasasabi mo diyan? Di ako makapaniwalang anak kita kasi ampangit mo!"
"Wala namang ganyanan Itay..."
"Pango ang ilong, kulubot ang balat, ang lapad ng noo saka mapulang maitim....kadiri.....!"
"Sus! Pinaglololoko mo ako Itay eh.....yung totoo naman ikuwento mo....."
"Yun nga totoo kumag! Ang panget mo nung bagong panganak ka.....nung ibinibigay ka nga nung nurse sa akin, nagdadalawang isip ako kung kukuhanin kita eh...."
"Salbahe ka Itay ah!"
"Eh sa ampanget mo nga nun eh!"

Mahirap tanggapin na ang hilatsa ng mukha natin nung bagong panganak tayo ay di katanggap-tanggap para sa magulang natin mismo. Ganun talaga eh. Kahit ako na ubod ng guwapo, alam ko na medyo di maganda ang anyo ko nung kapapanganak ko pa lang.


"Children, obey your parents in the Lord: for this is right. Honor thy father and mother; which is the first commandment with promise; that it may be well with thee, and thou mayest live long on the earth" Ephesians 6:1-3

Unang Kabanata - Simula ng Buhay

Page 2

Habang pinapanood ko ang anak ko na isang taon at dalawang buwan pa lamang ang edad(pero singlaki na siya ng dalawang taon na bata, pramis!), napapangiti ako. Oo, para akong wala sa katinuan minsan kasi tumatawa akong mag-isa(pero sigurado ako, ganyan ka rin minsan. Baliw ka din, hehehe). Kasi naman, nakakatuwang pagmasdan ang isang walang muwang na paslit habang ito ay naglalaro at naglilikot sa loob ng aming bahay(bagamat ang mahal kong asawa ay madalas na dumadaing na pagod na pagod sa kakasunod sa aming tsikiting). Sa bawat salitang bago na natututunan niya, parang kinukurot ang aking puso. Ganun pala kasaya para sa isang magulang na makitang masaya at malusog ang kanyang anak. Ngayon ko lang na-appreciate ng husto yung pagpapalaki ng mga magulang ko sa akin. Kung tutuusin, mas mahirap ang sitwasyon ng Nanay at Tatay ko noon kasi walang isang taon ang pagitan namin ng utol kong babaeng bunso(ang sipag ng mga magulang ko noh?).

Kapag iniisip ko kung gaano kahirap ang pagprotekta sa nag-iisa ko pa lang na anak na lalake(na napakalambing at napakapogi..hehehe), naiisip ko rin ang pinagdaanan ng Nanay at Tatay nung sabay na kaming naglalakad ng Utol ko(na maganda pero makulit). Sino kaya ang humahabol sa akin pag pupunta ako ng kusina tapos yung kapatid ko naman ay tatakbo papunta ng pintuang palabas ng bahay? Si Nanay kaya sa kapatid ko tapos si Tatay sa akin? Iniisip ko pa lang, nakakapagod na.

Pero sa mga alaalang ito, mas lalo kong minamahal ang aking mga magulang. Mas lalo kong naiintindihan kung bakit napakahigpit ng Nanay nung mga araw na iyon(bagamat alaga ako sa sinturon saka walis tambo). Kung bakit kapag nagagalit si Nanay kapag lumalabas kami ng simbahang magkapatid ng di nila alam sa kalagitnaan ng misa(pag-uwi sa bahay, yari kaming magkapatid). Kung bakit si Tatay eh halos madapa kakahabol sa aming mag-utol sa may patio ng simbahan(sa Sto. Nino de Tondo pa kami madalas magsimba noon).

Kadalasan, pag nangungulit ang anak ko, laluna sa gabi bago siya matulog, napapailing ako. Ganun din kaya ako kakulit nung bata pa ako? Siguro tuwang tuwa rin ang Nanay saka Tatay gaya ng pagkatuwa namin ng asawa ko sa anak namin. Kahit na antok na antok kaming mag-asawa, pag nakita namin ang nakangiting mukha ng anak namin na nanggigising sa madaling-araw, di namin makuhang mayamot(ewan ko lang kung adik ba kaming mag-asawa o ano. Manggigising ang anak namin ng alas-3 ng madaling-araw tapos papasok kami ng alas-6 ng umaga. Matutuwa ka ba nun?). Ganito nga yata ang maging magulang.

Kung lahat lang sana ng mga kabataan ay nauunawaan ang hirap ng pagiging magulang, siguro walang kabataang maliligaw ng landas. Pero ganun talaga ang buhay. Bago mo maintindihan, kailangan mo munang matutunan. Bago mo matutunan, kung minsan, kailangan mo munang maranasan.

Tulad ng pagiging isang magulang, kadalasan, kinakailangan pa ng isang 14-anyos na dalagita na mabuntis ng kanyang 16-anyos na kasintahan bago nila maunawaan ang nais ituro ng kanilang mga magulang ng pagsabihan sila na pag-aaral muna ang asikasuhin. Masakit na leksiyon ng buhay pero kailangang matutunan.

Kung minsan, kailangan pang makulong ng isang 13-anyos na batang nagnakaw sa kapitbahay nila para lang may ipangtustos sa kanyang bisyong pagdo-droga bago niya maintindihan ang sinasabi ng tatay niya na layuan ang kanyang mga barkada.

Kadalasan, nagahasa na ang isang 17-anyos na dalaga ng kakikilala lang niyang lalake bago niya matutunang sundin ang sinasabi ng kanyang nanay na wag makipagkita sa isang lalakeng nakilala lamang sa internet chat.

Mapait na karanasan ng mga kabataang di inalintana ang paalala ng mga magulang.

Buti na lang, magaling mamalo ang Nanay gamit ang tambo.

"Foolishness is bound in the heart of a child;but the rod of correction shall drive it far from him." Proverbs 22:15

Thursday, January 25, 2007

Ang Simula ng Buhay - Unang Kabanata

Ang buhay para sa isang paslit, ay nagsisimula sa panahong may kakayahan na ang kanyang isipan na unawain at tandaan ang mga nangyayari sa paligid.

Ano nga ba ang pinakamatandang alaala ko ng aking pagkabata? Hmmm....ang alam ko, ang pinakamatandang pangyayari sa buhay ko na aking naaalala ay nung panahong ang tawag ko pa sa aking Nanay ay Virgie lang. Tama ka, malamang mga dalawa o tatlong taon pa lang ako nun kasi di ko pa natututunan ang salitang Nanay o Tatay.

Ang sabi ng pinakamamahal kong asawa, ang edad daw kung kailan nakakatanda na ang isang bata ay nag-uumpisa kapag siya ay apat na taon na.

Kapag daw isang taon pa lang, di pa marunong pagsabihan ang bata. Di mo pwedeng paluin sapagkat di pa niya nauunawaan ang tama at mali. Di mo pwedeng pagalitan dahil di pa niya alam ang ibig sabihin ng kasalanan.

Sa edad na dalawang taon, nakakaunawa na raw ang isang paslit. Maaari ng pagsabihan tungkol sa kung ano ang tama at mali pero di pa maaaring paluin. Mata-trauma daw ito.

Sa edad na tatlo pataas, umpisa na ng honeymoon ng bata sa tsinelas o patpat. Sa edad na ito, nag-uumpisa na ang batang manggaya sa naririnig sa paligid. Pag natsambahan na nakatira kayo sa lugar na tulad ng sa amin sa Kankaloo, malamang sa hindi, ang unang matutunan na salita ng anak mo ay "P****GI*A". Di ako nagbibiro. Sa dami ng mababait na nilalang sa lugar na pinagkatandaan ko, yun ang kanilang tuldok sa bawat pangungusap na lumalabas sa bibig nila. Nangyari na iyan. Yung pamangkin ko, ang unang salitang nasabi maliban sa Mama at Papa ay G*G*. Ayos ba?

Sa scientific terms, ang tawag nila sa konseptong ito ay infantile amnesia. Ito ay yung phenomena kung saan ang ating utak ay nawawalan ng kakayahang alalahanin ang malaking parte ng mga pangyayari sa edad na tatlong taon pababa. Di maipaliwanag ngunit nagaganap. O di ba? Parang doktor na rin ako sa utak kung mag-esplika. (Nakuha ko lang iyan sa internet)

Habang pinagmamasdan ko ang aking anak kagabi sa kanyang pagtulog, iniisip ko kung maalala kaya niya ang mga bagay na ginagawa namin para sa kanya. Malamang, kung ibabase sa konsepto ng infantile amnesia, malabong matandaan niya ito. So, kung susundin ko ang konseptong iyon, ibig sabihin, balewala lahat ng pagmamahal at pag-aalagang inuukol namin sa aming munting anghel(bagamat nuknukan ng kulit ang anghel na ito).

Sabi nga nung kasamahan ko sa dati kong opisina na lokal sa bansang ito(nasa Singapore nga pala ako, nakalimutan kong sabihin kanina...pasensya na, tao lang), hindi raw dapat ipinapasyal ang mga batang wala pang apat na taon sa magagandang lugar dito kasi balewala naman daw lahat ng ito dahil di pa matatandaan ng bata. Pero sa palagay ko, palagay ko lang ha, mali ang konseptong ito.

Lahat ng pag-aalaga at pagmamahal na ibinibigay natin sa ating mga anak habang baby pa siya, naaalala niya itong lahat. As in lahat ng ginawa mo sa kanya, naaalala niya. Iba nga lang ang storage area niya. Sa murang edad na ito, hindi sa utak hinayaan ng Diyos na maimbak ang mga alaalang ito kundi sa puso. Tama ka, sa puso ng anak nating paslit.

Isipin mo ito, kung di natatandaan ng paslit ang pagmamahal at pag-aaruga mo sa kanya mula sa araw ng kanyang pagkapanganak, bakit kahit natutulog siya ay alam niya kung ang mga magulang niya ang may karga at akap sa kanya? Bakit kapag nakita niyang paalis ang nanay o tatay niya ay papalahaw ito ng iyak pero hindi kapag ibang tao ang lalayas? Bakit kinakain ng paslit ang pagkaing isinusubo ng kanyang ama o ina ngunit ni ayaw ibuka ang bibig kapag galing ang pagkain sa iba? Bakit ang tiwala ng batang paslit ay nasa mga magulang o kaya ay sa yaya niya na nag-aalaga sa kanya at wala sa iba?

Ang lahat ng alaalang ito na puno ng pagmamahal, kasiyahan, kung minsan ay kapilyuhan, ay nananatiling nasa puso ng mga batang paslit at dala dala nila hanggang sa kanilang pagtanda. Di nalilimutan. Di nawawaglit sa puso.

Marunong ang Diyos. Alam Niya na ang utak ng tao, parang computer, pwedeng i-reset pero ang puso, hindi. Ang utak ng tao, wag lang mauntog na malakas o maimpluwnsiyahan ng yaman, tagumpay at paninibugho ay nakakalimot. Ang puso, kahit ano mangyari, andyan ang mga alaala ng kaligayahan, pagmamahal, at kung minsan, kapighatian. Mahirap mawala. Mahirap mabura.

Iyan ang simula ng buhay. Ang pagtibok ng puso. Sa panahon ng kapanganakan ng isang paslit, ang puso niya ay tumitibok na ng walang maliw o kapaguran. Sa panahong iyon na di pa nakakakita ang mga mata at di pa gumagana ng maayos ang ating mga utak, ang puso natin ang siyang nagbibigay ng buhay, di lang sa paslit kundi sa mga taong mapagmahal sa paligid nito.

Ang puso ang simula ng buhay.

"Keep thy heart with all diligence; for out of it are the issues of life." Proverbs 4:23