Thursday, January 25, 2007

Ang Simula ng Buhay - Unang Kabanata

Ang buhay para sa isang paslit, ay nagsisimula sa panahong may kakayahan na ang kanyang isipan na unawain at tandaan ang mga nangyayari sa paligid.

Ano nga ba ang pinakamatandang alaala ko ng aking pagkabata? Hmmm....ang alam ko, ang pinakamatandang pangyayari sa buhay ko na aking naaalala ay nung panahong ang tawag ko pa sa aking Nanay ay Virgie lang. Tama ka, malamang mga dalawa o tatlong taon pa lang ako nun kasi di ko pa natututunan ang salitang Nanay o Tatay.

Ang sabi ng pinakamamahal kong asawa, ang edad daw kung kailan nakakatanda na ang isang bata ay nag-uumpisa kapag siya ay apat na taon na.

Kapag daw isang taon pa lang, di pa marunong pagsabihan ang bata. Di mo pwedeng paluin sapagkat di pa niya nauunawaan ang tama at mali. Di mo pwedeng pagalitan dahil di pa niya alam ang ibig sabihin ng kasalanan.

Sa edad na dalawang taon, nakakaunawa na raw ang isang paslit. Maaari ng pagsabihan tungkol sa kung ano ang tama at mali pero di pa maaaring paluin. Mata-trauma daw ito.

Sa edad na tatlo pataas, umpisa na ng honeymoon ng bata sa tsinelas o patpat. Sa edad na ito, nag-uumpisa na ang batang manggaya sa naririnig sa paligid. Pag natsambahan na nakatira kayo sa lugar na tulad ng sa amin sa Kankaloo, malamang sa hindi, ang unang matutunan na salita ng anak mo ay "P****GI*A". Di ako nagbibiro. Sa dami ng mababait na nilalang sa lugar na pinagkatandaan ko, yun ang kanilang tuldok sa bawat pangungusap na lumalabas sa bibig nila. Nangyari na iyan. Yung pamangkin ko, ang unang salitang nasabi maliban sa Mama at Papa ay G*G*. Ayos ba?

Sa scientific terms, ang tawag nila sa konseptong ito ay infantile amnesia. Ito ay yung phenomena kung saan ang ating utak ay nawawalan ng kakayahang alalahanin ang malaking parte ng mga pangyayari sa edad na tatlong taon pababa. Di maipaliwanag ngunit nagaganap. O di ba? Parang doktor na rin ako sa utak kung mag-esplika. (Nakuha ko lang iyan sa internet)

Habang pinagmamasdan ko ang aking anak kagabi sa kanyang pagtulog, iniisip ko kung maalala kaya niya ang mga bagay na ginagawa namin para sa kanya. Malamang, kung ibabase sa konsepto ng infantile amnesia, malabong matandaan niya ito. So, kung susundin ko ang konseptong iyon, ibig sabihin, balewala lahat ng pagmamahal at pag-aalagang inuukol namin sa aming munting anghel(bagamat nuknukan ng kulit ang anghel na ito).

Sabi nga nung kasamahan ko sa dati kong opisina na lokal sa bansang ito(nasa Singapore nga pala ako, nakalimutan kong sabihin kanina...pasensya na, tao lang), hindi raw dapat ipinapasyal ang mga batang wala pang apat na taon sa magagandang lugar dito kasi balewala naman daw lahat ng ito dahil di pa matatandaan ng bata. Pero sa palagay ko, palagay ko lang ha, mali ang konseptong ito.

Lahat ng pag-aalaga at pagmamahal na ibinibigay natin sa ating mga anak habang baby pa siya, naaalala niya itong lahat. As in lahat ng ginawa mo sa kanya, naaalala niya. Iba nga lang ang storage area niya. Sa murang edad na ito, hindi sa utak hinayaan ng Diyos na maimbak ang mga alaalang ito kundi sa puso. Tama ka, sa puso ng anak nating paslit.

Isipin mo ito, kung di natatandaan ng paslit ang pagmamahal at pag-aaruga mo sa kanya mula sa araw ng kanyang pagkapanganak, bakit kahit natutulog siya ay alam niya kung ang mga magulang niya ang may karga at akap sa kanya? Bakit kapag nakita niyang paalis ang nanay o tatay niya ay papalahaw ito ng iyak pero hindi kapag ibang tao ang lalayas? Bakit kinakain ng paslit ang pagkaing isinusubo ng kanyang ama o ina ngunit ni ayaw ibuka ang bibig kapag galing ang pagkain sa iba? Bakit ang tiwala ng batang paslit ay nasa mga magulang o kaya ay sa yaya niya na nag-aalaga sa kanya at wala sa iba?

Ang lahat ng alaalang ito na puno ng pagmamahal, kasiyahan, kung minsan ay kapilyuhan, ay nananatiling nasa puso ng mga batang paslit at dala dala nila hanggang sa kanilang pagtanda. Di nalilimutan. Di nawawaglit sa puso.

Marunong ang Diyos. Alam Niya na ang utak ng tao, parang computer, pwedeng i-reset pero ang puso, hindi. Ang utak ng tao, wag lang mauntog na malakas o maimpluwnsiyahan ng yaman, tagumpay at paninibugho ay nakakalimot. Ang puso, kahit ano mangyari, andyan ang mga alaala ng kaligayahan, pagmamahal, at kung minsan, kapighatian. Mahirap mawala. Mahirap mabura.

Iyan ang simula ng buhay. Ang pagtibok ng puso. Sa panahon ng kapanganakan ng isang paslit, ang puso niya ay tumitibok na ng walang maliw o kapaguran. Sa panahong iyon na di pa nakakakita ang mga mata at di pa gumagana ng maayos ang ating mga utak, ang puso natin ang siyang nagbibigay ng buhay, di lang sa paslit kundi sa mga taong mapagmahal sa paligid nito.

Ang puso ang simula ng buhay.

"Keep thy heart with all diligence; for out of it are the issues of life." Proverbs 4:23

No comments: