Friday, January 26, 2007

Unang Kabanata - Simula ng Buhay

Page 2

Habang pinapanood ko ang anak ko na isang taon at dalawang buwan pa lamang ang edad(pero singlaki na siya ng dalawang taon na bata, pramis!), napapangiti ako. Oo, para akong wala sa katinuan minsan kasi tumatawa akong mag-isa(pero sigurado ako, ganyan ka rin minsan. Baliw ka din, hehehe). Kasi naman, nakakatuwang pagmasdan ang isang walang muwang na paslit habang ito ay naglalaro at naglilikot sa loob ng aming bahay(bagamat ang mahal kong asawa ay madalas na dumadaing na pagod na pagod sa kakasunod sa aming tsikiting). Sa bawat salitang bago na natututunan niya, parang kinukurot ang aking puso. Ganun pala kasaya para sa isang magulang na makitang masaya at malusog ang kanyang anak. Ngayon ko lang na-appreciate ng husto yung pagpapalaki ng mga magulang ko sa akin. Kung tutuusin, mas mahirap ang sitwasyon ng Nanay at Tatay ko noon kasi walang isang taon ang pagitan namin ng utol kong babaeng bunso(ang sipag ng mga magulang ko noh?).

Kapag iniisip ko kung gaano kahirap ang pagprotekta sa nag-iisa ko pa lang na anak na lalake(na napakalambing at napakapogi..hehehe), naiisip ko rin ang pinagdaanan ng Nanay at Tatay nung sabay na kaming naglalakad ng Utol ko(na maganda pero makulit). Sino kaya ang humahabol sa akin pag pupunta ako ng kusina tapos yung kapatid ko naman ay tatakbo papunta ng pintuang palabas ng bahay? Si Nanay kaya sa kapatid ko tapos si Tatay sa akin? Iniisip ko pa lang, nakakapagod na.

Pero sa mga alaalang ito, mas lalo kong minamahal ang aking mga magulang. Mas lalo kong naiintindihan kung bakit napakahigpit ng Nanay nung mga araw na iyon(bagamat alaga ako sa sinturon saka walis tambo). Kung bakit kapag nagagalit si Nanay kapag lumalabas kami ng simbahang magkapatid ng di nila alam sa kalagitnaan ng misa(pag-uwi sa bahay, yari kaming magkapatid). Kung bakit si Tatay eh halos madapa kakahabol sa aming mag-utol sa may patio ng simbahan(sa Sto. Nino de Tondo pa kami madalas magsimba noon).

Kadalasan, pag nangungulit ang anak ko, laluna sa gabi bago siya matulog, napapailing ako. Ganun din kaya ako kakulit nung bata pa ako? Siguro tuwang tuwa rin ang Nanay saka Tatay gaya ng pagkatuwa namin ng asawa ko sa anak namin. Kahit na antok na antok kaming mag-asawa, pag nakita namin ang nakangiting mukha ng anak namin na nanggigising sa madaling-araw, di namin makuhang mayamot(ewan ko lang kung adik ba kaming mag-asawa o ano. Manggigising ang anak namin ng alas-3 ng madaling-araw tapos papasok kami ng alas-6 ng umaga. Matutuwa ka ba nun?). Ganito nga yata ang maging magulang.

Kung lahat lang sana ng mga kabataan ay nauunawaan ang hirap ng pagiging magulang, siguro walang kabataang maliligaw ng landas. Pero ganun talaga ang buhay. Bago mo maintindihan, kailangan mo munang matutunan. Bago mo matutunan, kung minsan, kailangan mo munang maranasan.

Tulad ng pagiging isang magulang, kadalasan, kinakailangan pa ng isang 14-anyos na dalagita na mabuntis ng kanyang 16-anyos na kasintahan bago nila maunawaan ang nais ituro ng kanilang mga magulang ng pagsabihan sila na pag-aaral muna ang asikasuhin. Masakit na leksiyon ng buhay pero kailangang matutunan.

Kung minsan, kailangan pang makulong ng isang 13-anyos na batang nagnakaw sa kapitbahay nila para lang may ipangtustos sa kanyang bisyong pagdo-droga bago niya maintindihan ang sinasabi ng tatay niya na layuan ang kanyang mga barkada.

Kadalasan, nagahasa na ang isang 17-anyos na dalaga ng kakikilala lang niyang lalake bago niya matutunang sundin ang sinasabi ng kanyang nanay na wag makipagkita sa isang lalakeng nakilala lamang sa internet chat.

Mapait na karanasan ng mga kabataang di inalintana ang paalala ng mga magulang.

Buti na lang, magaling mamalo ang Nanay gamit ang tambo.

"Foolishness is bound in the heart of a child;but the rod of correction shall drive it far from him." Proverbs 22:15

No comments: