Friday, January 26, 2007

Unang Kabanata - Simula ng Buhay

page 3

Ang anak, kayang tiisin ang magulang ngunit ang magulang, kailanmaĆ½ di matitiis ang isang anak

Habang nanonood ako ng pelikula sa telebisyon ngayong gabi, natiyempuhan ko ang pelikulang Hearts and Souls sa HBO Family channel(kung saan isang buwan ata na puro reply lang ang ipinapalabas). Ang pelikulang ito ay tungkol sa apat na kaluluwang pinayagan ni Papa Jesus na bumalik sa lupa upang kumpletuhin ang mga bagay na hindi nila nagawa bago sila tinawag sa itaas(kung saan dun ko rin pinapangarap na makarating...di naman masamang mangarap di ba?). Isa sa mga kaluluwang ito ay si Penny na ginampanan ng batikang aktres na si Alfre Woodard.

Si Penny ay isang ina na namatay sa isang trolley accident kasama ang tatlong iba pa. Ang problema, maliliit pa ang lahat ng anak niya at hindi niya alam ang naging kalagayan ng mga ito sa kanyang pagpanaw. Ng matagpuan niya si Reilly na ginampanan ni Robert Downey Jr., nakakita siya ng pagkakataon na hanapin at alamin ang naging kalagayan ng kanyang mga anak makalipas ang tatlumpung taon.

Ipinakita sa pelikulang ito ang naging hinagpis ng isang ina na bagamat nasa kabilang buhay na, ay nananatili pa ring nag-aalala sa naging kapalaran ng kanyang mga anak. Nakakabagbag ng damdamin ang eksena kung saan nanlumo si Penny ng malaman niya na ipinaampon ang kanyang mga anak sa magkakaibang pamilya at hindi niya alam kung paano tuntunin ang mga ito sapagkat hindi pinapayagan ng batas sa kanilang bansa(mga kano sila so malamang Amerika ang bansa nila...tama kaya ako?). Ngunit dahil mabait ang Diyos(at saka comedy ang pelikula, hindi drama), nakatagpo ni Reilly ang isa sa mga anak ni Penny, isang pulis na nagngangalang Billy.

Matapos masabi ni Penny kay Billy ang nais niyang sabihin(siyempre, sumanib si Penny kay Reilly para masabi niya ang gusto niyang sabihin kay Billy. Dahil kung hindi, baka nakalimutan ni Billy na pulis siya at magtatakbo ito habang sinasabunutan ang sarili sa takot), saka pa lamang tumawid si Penny ng tuluyan sa kabilang mundo. Nagulat ka dahil kabisado ko noh?

Ganyan ang magulang, laging nag-aalala sa kalagayan at kapakanan ng kanilang mga anak. Kahit gaano kahirap ang buhay, lagi nilang iniisip ang inaakala nilang tama at makakabuti sa kanilang mga supling(bagamat iba iba ang pananaw natin ng makakabuti para sa isa't isa...hehehe).

"Inay, ano ba ang hitsura ko nung bagong panganak ako?"
"Hay naku Jeff...wag mo ng alamin....."
"Sige na Inay, ano nga hitsura ko nung bagong panganak ako? Pogi ba ako kahit nung bagong panganak ako? Ha Inay?"
"Alam mo, di naman kita nakita agad nung kapapanganak mo pa lang....kasi groge pa ako sa anestesia nung inoperahan ako eh...."
"Sayang....sino nakakita sa akin nung kapapanganak ko pa lang?"
"Subukan mong tanungin ang Tatay mo mamaya...alam ko di siya lasing nung ipinanganak ka eh....."
"Nanay talaga...wala ng alam asarin kundi ang Tatay...."

Nakakatuwa sigurong malaman kung ano hitsura natin sa unang paglabas natin sa mundo di ba? Kung mukha bang tao tayo paglabas pa lang natin sa sinapupunan ng ating mga ina. Kaso, para sa isang pamilyang di nakakariwasa sa buhay, walang panahon para iukol sa pagkuha ng larawan ng isang bagong panganak na sanggol...

"Alam mo anak, nung kapapanganak mo pa lang...nung unang beses na nakita kita sa nursery habang hawak ka ng nurse, di ako makapaniwala....."
"Talaga itay??!! Bakit di ka makapaniwala? Sobra ba akong guwapo kaya di ka makapaniwalang anak mo ako?"
"Anong guwapo pinagsasasabi mo diyan? Di ako makapaniwalang anak kita kasi ampangit mo!"
"Wala namang ganyanan Itay..."
"Pango ang ilong, kulubot ang balat, ang lapad ng noo saka mapulang maitim....kadiri.....!"
"Sus! Pinaglololoko mo ako Itay eh.....yung totoo naman ikuwento mo....."
"Yun nga totoo kumag! Ang panget mo nung bagong panganak ka.....nung ibinibigay ka nga nung nurse sa akin, nagdadalawang isip ako kung kukuhanin kita eh...."
"Salbahe ka Itay ah!"
"Eh sa ampanget mo nga nun eh!"

Mahirap tanggapin na ang hilatsa ng mukha natin nung bagong panganak tayo ay di katanggap-tanggap para sa magulang natin mismo. Ganun talaga eh. Kahit ako na ubod ng guwapo, alam ko na medyo di maganda ang anyo ko nung kapapanganak ko pa lang.


"Children, obey your parents in the Lord: for this is right. Honor thy father and mother; which is the first commandment with promise; that it may be well with thee, and thou mayest live long on the earth" Ephesians 6:1-3

No comments: